Sa kadahilanang sensitibo ang aking trabaho at sa katunayan ay may natanggal na sa pagkukuwento nito sa publiko, minabuti kong isalaysay ang aking istorya sa lenguwaheng eksperto ako.
Ako ay isang manggagawang panlipunan dito sa bansang Aetearoa, ang lugar ng mga tupa, lugar ng pag-asa para sa maraming Pilipino at literal na lugar ng berdeng mga bundok at kapaligiran.
Sa mahigit 2 taon na ngayon ako ay nagtratrabaho sa isang rehabilitasyon ng mga kabataan, kulungan kung kanilang tawagin sapagkat ang mga silid, kusina, palikuran ay pawang mga nakakandado. Subalit para sa akin, ito ay isang stop over, lugar para sila ay mag-isip kung anung landas ang nais nilang tahakin. Minsan ay pang umaga, minsan ay panghapon kung ako ay pumasok. Binubuo ito ng anim na maliit na gusali na ang bawat isa ay isang modelo ng munting tahanan, kanya kanyang silid, may kusina, may telebisyon, radyo, mga gamit pang teknolohiya, at isang opisina para sa 3-5 empleyado. Ang mga pinto ay ibubukas lamang sa takdang oras, ang bawat gawain ay nakaistruktura. May puntos ang bawat galaw, lahat ay nakatala.
Maswerte ako dahil pagbalik ko mula sa panganganak kay Nyanne, napunta ako sa isang gusali na may 6 na bata at lahat ay pawang mga pili mula sa lima pang gusali, na silang mga pinaka mababait at matitino at naghahanda na sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang pamilya at komunidad.
Nagsisimula ang araw sa paggising sa kanila, pangungumusta sa kanilang magdamag, pag-eehersisyo, paliligo, pag-aalmusal at pagsasaayos ng gusali. Bilang empleyado, kami ay nandoon hindi para mag-utos kundi para himukin sila sa isang positibong araw. May ilang hindi sanay sa ganoong gawain, minsan ay pangit ang gising at mambubuwisit. Dahil sa iba ang kultura, normal ang magbitaw ng masasamang salita at minsan ay mang alipusta, subalit kaya nandoroon ang mga manggagawang panlipunan ay upang sila ay turuan at gabayan. Karamihan ay doble ang taas at lapad ng katawan kumpara sa akin, kaya minsan at nagiging tampulan ng tukso at pang-iintimida, pero walang magagawa trabaho lang.
Lilipas ang mula ika-9 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, may mga gurong sa gusali ay pupunta, magtuturo ng literatura, matematika, mga laro. Ang mga empleyado ay nandoroon para din magturo, manaway, mang himok mag-aral at siguraduhin na ang bawat isa ay ligtas. Bawat gawain at galaw, may isang libro na kailangang sagutan. Inililista ang obserbasyon, problema at magagandang puntos na nangyari sa mga kabataan.
Pagdating naman ng hapon, kadalasang pagod na ang mga ito. Sasabihing puro gawaing pampaaralan ang pinagtuunan, kailangan namang ipahinga ang puso at isipan. Kadalasan kapag positibo ang umaga, ang mga kabataan ay may konting laya, subalit kung marami ang naging pilyo, may mga programang nakahanda para ito ay itama. Lilipas ang oras, isports, hapunan, kwentuhan, alas 8 ng gabi ang oras ng tulugan. Sa mga naging mabuti, may dvd, mp3, laptop o tv, sa mga kinulang, andon ang kisame at malambot na higaan.
Ang bawat isa sa kanila ay di nauubusan ng kwento, bagamat may mga araw na siguro 80 porsyento lang ang naiintindihan ko. Dagdagan pa ng mga kasamang mula din naman sa ibang isla, may magalang at meron ding kabaligtaran. Pero nasa saiyo na kung panu ka nila tratuhin, basta ipakita mo lang na kahit maliit, marami ka ring alam na di nila alam.
Kakaibang trabaho kumpara sa nakasanayan ko, pero ang pinakagusto ko, paglabas mo ng bakuran, wala kang intindihin at lahat ng oras mo ay para na sa iyong sariling tahanan. Malaya kang gawin ang gusto mo at siguraduhin na wala ni isa man sa pamilya mo ang mapupunta doon!
No comments:
Post a Comment